(Ma/Pa/Ka)Hirap

 


Starbucks barista.


48 pesos kada oras.


Pansamantalang-trabaho.


Madrigal, Alabang.


Unang trabaho pa lamang, andami mo nang matututunan:


Pagiging propesyonal.


Pagiging kalmado.


Pagiging mabilis.


Pagiging masinop.


Madesisyon.


Mapanuri.


Dito mo rin makikita ang pagkaka-klasipika ng tao ayon sa estado ng buhay.


At naaaalala ko na dito mo talaga makikita kung paano gumagana ang klasista sa lipunan ng Pilipinas.


At kung paano tratuhin ang mga tao.


,,Crew."


Ito ang sinabi sa akin ng nanay ko nung nagsimula ako.


Nung panahong iyon, sobrang inis ako.


,,Hindi ako crew, barista ako," sambit ko sa kanya.


Pero ganoon na talaga ang kanyang pananaw.


Habang asa industriya ka ng Hospitality, ikaw ay isang crew sa mata niya.


At dito ako napaisip, May masama ba sa pagiging isang crew?


Marangal ang trabaho.


May dignidad ang trabaho.


Malinis ang trabaho.


Walang inaagrabyado, walang tinatapakang sinuman, walang binubulsang pera.


Nung panahong iyon siyempre iba ang pananaw ko kapag sinasabihan akong crew ng mga tao.


Pero yun naman talaga ang totoo, ako ay isang crew. Isang parte ng pamilya na nagtatrabaho para magsilbi sa mga taong nangangailangan ng produkto.


At ngayong mas naiintindihan ko na ang mundo, mas nauunawaan kong walang masama sa pagiging crew.


Pero mas gugustuhin kong maging crew kaysa maging isang kawani ng gobyerno na bigla-biglang nakabili ng bahay sa Ayala Alabang.


Mas gugustuhin kong maging crew kaysa maging isang tagapamahala ng kompanya na nagpapasahod ng hindi sapat sa kanyang mga empleyado.


Mas gugustuhin kong maging crew kaysa maging isang taong nakurap sa puso, isipan at kaluluwa.


Ganoon rin naman ang ganap sa amin bilang Nars, hindi nagkakalayo.


Glorified Yaya pa nga tawag sa amin. Nagpupunas ng pwet, nag-aalaga sa mga may sakit, sumusunod sa mga hiling ng mga kamag-anak ng pasyente.


Ngunit pagtapos ng araw malinis ang mga konsensya namin.


Pagkatapos nga ng 6 na buwan ay nagpasya akong maging seryoso at kumuha ng pagsusulit - Nursing Licensure Exam (NLE).


Bakit nga ba naisip kong kumuha ng pagsusulit?


Dahil nainggit ang lolo mo sa mga batchmates kong nakapasa.


Habang nag-aayos ako ng mga dyaryo isang araw, nalaman kong nailabas na pala ang resulta ng NLE.


Nung panahong iyon, nakalista ang mga pangalan ng mga board passers sa dyaryo.


Siyempre inggiterang bullfrog ako.


Kaya naisip ko na ngang mang-ibang landas mula sa Starbucks.


Namaalam ng maayos. Tamang-tama napagod rin ako nung holiday rush.


Grabe mga social climbers nun!


Paramihan ng stickers para sa Planner.


Planner ng planner eh wala namang mga plano sa buhay!


Nag-enroll ako sa isang Review Center sa Morayta.


Ganoon ang naging buhay ko sa loob ng 2 o 3 buwan. Parang estudyante pa rin: papasok ng alas-otso ng umaga at uuwi ng alas-singko ng hapon.


Nung panahong ring iyon, kailangan mong sumadya sa Philippine Regulation Commission (PRC) upang malaman mo kung saan ka kukuha ng pagsusulit. Nakapaskil ang mga pangalan ng mga kukuha at kailangan mong hagilapin ang pangalan mo.


Awa ng Diyos, nakapasa naman sa unang kuha.


Pero dahil sobra-sobra ang suplay ng mga nurses nung panahong iyon, hindi niyo lubos maiisip kung paano kami lahat makukuha ng mga ospital o kahit ano mang institusyon na may kinalaman sa pangkalusugan.


Nag-apply ako simula Cavite hanggang Quezon City.


Mahigit 20 ospital at mga klinik.


Pati yun RN Heals Program pinatos ko na rin.


Walang tumanggap sa akin.


At ang nakakabanas pa noon may Board Rating pa silang hinahanap.


Nakanamputa.


Kala mo naman talaga lahat ng mga andoon brainy!


Eh yung marami naman eh kumapit lang sa backers nila.


Mga anak at/o kaya kamag-anak ng mga doktor, chief nurse, etc.


Oo! Totoo naman yun!


At nangyayari pa rin hanggang ngayon.


Kaya kailangan kong mamasukan bilang isang Call Center Agent.


Dahil hindi kami mayaman.


At iba ang pag-uugali ng mga magulang ko pag nakita ka nilang walang trabaho.


Tipikal na pamilyang Pilipino na wala kang kwenta sa lipunan pag wala kang ambag sa bahay.


Nung una, masaya pa siya. Pero kinalaunan halos araw-araw akong umiiyak papuntang trabaho.


I find no purpose in the job.


At panggabing trabaho ay hindi para sa mga mahihina.


Nagpalipat-lipat ako ng mga trabaho dahil na rin siguro sa hindi mapalagay ang pakiramdam ko.


There has to be a purpose.


Andami kong napasukan! Masasabi mong job-hopper ako dati.


Call Center Agent - Volunteer Nurse - Medical Transcriptionist - Health Coach - Team Lead - Quality Analyst


Basta madami.


At kung titignan niyo ang CV ko andaming bungi. Hindi tuloy-tuloy.


Ngayon ko ring napagtanto, kaya siguro hindi rin tumatagal mga relasyon ko ay dahil hindi rin ako mapakali, kasi nga hindi ako makakuha ng trabaho bilang isang Nars.


Na pakiramdam ko sa sarili ko isa akong talunan, underemployed.


Na dapat patunayan ko sa sarili ko at sa mga taong naniniwala sa akin na Nars ako.


Hindi Call Center Agent.


Hindi Barista.


Hindi Quality Analyst.


Hindi Team Leader.


Kundi Nars na nagtatrabaho mismo sa isang ospital.


Gayunpaman laking pasasalamat ko pa rin sa kanila at tinuruan nila akong hindi naman pala ako kakulangan o kabawasan nang dahil hindi ako nagtatrabaho sa bedside.


It was all just my demons in my head.








Part 6

Commentaires

Articles les plus consultés